‘Black Friday’ protests vs Marcos ‘waste of time’ – Erap
MANILA, Philippines – Pag-aaksaya lamang ng oras at panahon ang ginawang “Black Friday” protests na isinagawa ng mga grupong kontra sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LMNB).
Ito naman ang paniniwala ni Manila Mayor Joseph Estrada kung saan sinabi nito na mas makabubuting kung inisip na lang ng mga raliyista ay kung paano nila matutulungan ang bansa.
“He’s already dead. He’s dead. And as Christians, we have no authority anymore to judge a dead person,” ani Estrada.
Aniya, noong siya ay presidente, nakipag-usap na siya sa pamilya Marcos hinggil sa paglilibing sa yumaong pangulo sa LNMB. Kung hindi lang aniya siya iligal na inalis sa puwesto, matagal na aniyang nailibing si Marcos doon.
Ayon pa kay Estrada, pinayagan niya ang mga anti-Marcos na magsagawa ng demonstrasyon sa lungsod kahit walang permit dahil inatas ito ni Pangulong Duterte mismo.
Nitong Agosto ay inamin din ni Estrada na pabor siya na ilibing si Marcos sa LNMB. Aniya, matuto na sanang magpatawad ang mga Filipino at respetuhin na lang ang yumao.
Noong panahon ni Marcos, alkalde si Estrada ng San Juan mula 1969 hanggang pumutok ang Edsa Revolution noong 1986.
Kabilang si Estrada sa mga alkalde na pinababa sa puwesto nang umupong pangulo si Corazon Aquino matapos ang rebolusyon.
- Latest