Mag-live in, 1 pa todas sa ‘death squad’
MANILA, Philippines – Isang mag-live-in partner at isa pang lalaki ang pawang nasawi makaraang pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin habang sakay ang mga biktima ng isang tricycle, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Michael Dauz, 39; kinakasama nitong si Jennifer Mendoza, 36, at isang lalaki na nakilala lamang sa alyas na Soneyo, pawang mga residente ng Brgy. 176 Bagong Silang, ng naturang lungsod.
Base sa inisyal na ulat ng pulisya, sakay sina Dauz at Mendoza ng isang tricycle at binabagtas ang Phase 9 Package 1 sa naturang barangay nang biglang harangin ng isang motorsiklo sakay ang dalawang salarin at paulanan sila ng bala.
Sa kabila pa, na duguan, tiniyak pa ng mga salarin na patay ang mga biktima nang muli pang pagbabarilin saka tumakas tungo sa hindi mabatid na direksyon. Hindi naman idinamay ng mga salarin ang tsuper ng tricycle na itinago ng pulisya ang pagkakakilanlan.
Itinanggi ng mga kaanak ng mga nasawi na sangkot ang dalawa sa iligal na droga ngunit may mga ulat umano ang pulisya buhat sa kanilang barangay na may kinalaman ang mga ito sa iligal na gawain.
Dakong alas-10 naman ng gabi nang pagbabarilin rin ng mga dalawang hindi kilalang salarin sakay ng motorsiklo si alyas Soneyo sa Package 1 sa naturang barangay habang naghihintay ng masasakyang tricycle. Inaalam pa naman ng pulisya kung may kinalaman sa iligal na droga ang naturang pamamaslang.
- Latest