Kilabot na pinuno ng ‘Gapos Gang’ arestado
MANILA, Philippines – Nahulog na sa kamay ng mga awtoridad ang itinuturong pinuno ng kilabot na “Gapos Gang” sa lungsod ng Navotas nitong kamakalawa.
Kinilala ni Criminal Investigation and Detection Group Chief Police Director Victor Deona ang suspek na si Ami Magnaan na pinuno ng “Magnaan Gapos Gang” na umaatake sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Nasakote si Magnaan, na kabilang sa most wanted persons sa lungsod, sa kalye ng Marcelo sa C3 Road NBBS, Navotas City.
Matagal nang pinaghahahanap ng mga awtoridad si Magnaan para sa kasong robbery with homicide.
Siya ang itinuturong nasa likod ng pagpatay sa Japanese national Tomoyuki Takasugi noong Mayo 17, 2015. Tinadtad ng saksak ang biktimang si Tomoyuki Takasugi hanggang mamatay sa loob ng Malate Bay View Mansion sa Malate, Manila.
Una nang naaresto si Magnaan para sa kasong robbery with intimidation of person noong Setyembre 1995 sa Mariveles, Bataan ngunit napalaya noong 2009.
Bukod dito ay may kinakaharap pa siyang kasong murder sa Lamao, Bataan Regional Trial Court.
- Latest