7 vintage bomb nahukay
MANILA, Philippines – Pitong malalaking bom-ba na gamit sa kanyon at pinaniniwalaang nailibing noon pang World War II ang nahukay ng mga construction workers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa service road ng Roxas Boulevard northbound sa Malate, Maynila, kahapon ng hapon.
Unang inireport ito sa Manila Police District-station 5 dakong alas-3:00 ng hapon na agad namang ipinaalam sa MPD-Explosive and Ordnance Division (EOD).
Dalawang beses nagtungo sa nasabing lugar sa Roxas Blvd, tapat ng Aristocrat Restaurant ang EOD team para kunin ang pitong vintage bomb na 105 mm. projectile , o ang bahagi ng bomba sa kanyon na may sukat na 105 mm. ang diameter. Ang bahagi ng kaha o kanyon ay kinain na ng kalawang kaya’t ang pinakaulo o bomba na sumasabog kapag ibinuga ang siya na lamang natira.
Nabatid na nasa 4 na talampakan na ang nahukay ng mga construction worker para sa itatayong lamp post doon nang makita ang mga bomba.
Sa kasalukuyan ang uri ng bombang ito ay gamit pa rin umano ng military.
Ayon pa sa EOD, may kakayahan pang sumabog ang bomba kung ito ay tatamaan o mahahampas ng mabibigat na equipment tulad ng backhoe.
- Latest