1,000 MMDA constable, aasiste sa prusisyon
MANILA, Philippines – Mahigit sa 1,000 traffic enforcers ang idideploy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa bahagi ng Quiapo sa darating na Sabado upang magmantina ng daloy ng trapiko habang isinasagawa ang prusisyon ng Itim na Nazareno.
Sinabi ni Crisanto Saruca, head ng MMDA traffic discipline, na simula bukas (Enero 7) ay ipapakalat na ang 75 porsiyento ng kabuuang bilang ng traffic enforcers para sa prusisyon ng mga replica ng Black Nazarene.
Ayon sa MMDA, magsisimula ang prusisyon ng mga imahe ng alas-2:00 ng hapon mula Plaza Miranda malapit sa Quiapo Church. Dadaanan ng prusisyon ng Nazarene replicas ang Quezon Boulevard, Recto Ave., Loyola St., Puyat St., Guzman St., Hidalgo St., Barbosa St., Globo de Oro St., Palanca St., at Villabos St.
Samantala, ang “pahalik” sa Quirino Grandstand ay magsisimula naman ng alas-8:00 ng umaga sa Biyernes habang ang vigil ay magsisimula ng alas-7:00 ng gabi hanggang hatinggabi.
Magsisimula naman ng alas-5:30 ng madaling-araw mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church ang annual procession.
Nabatid, na dadaan ang Itim na Nazareno sa Padre Burgos St., Jones Bridge, Dasmariñas St., Plaza Sta. Cruz St., Quezon Bridge, Quezon Boulevard, Arlegui St., Fraternal St., Vergara St., Duque de Alba St., Castillejos St., Farnecio St., Nepomuceno St., Aguila St., Carcer St., Hidalgo St., Bilibid Viejo St., Guzman St., Barbosa St., Globo de Oro St., at Villalobos St.
Kung kaya’t payo ni Saruca sa mga motorista na iwasan ang procession route at gumamit ng alternate roads.
- Latest