Kaso vs Mayor Cayetano, ibinasura
MANILA, Philippines – Ibinasura na ng Sandiganbayan ang kasong isinampa noong 2010 laban kina Taguig City Mayor Lani Cayetano at Taguig City Administrator Atty. Jose Luis G. Montales kaugnay sa pagpigil umano sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod na magdaos ng kanilang sesyon.
Sa 15-pahinang desisyon na ipinalabas nitong December 11, 2015, nabatid na nag-ugat ang kaso sa direktiba ni Mayor Cayetano, na ipinatupad ni Atty. Montales, kung saan ang lugar para sa legislative sessions mula sa session hall ay inilipat sa pinakamalaking kuwarto sa city hall auditorium.
Ang paglilipat ay alinsunod sa re-organizational plan na ang layunin ay mapagbuti ang pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaang lokal ng Taguig.
Sa kabila ng ‘three-day advance notice’, tumanggi umano ang mga city councilor na gawin ang sesyon sa ibinigay sa kanilang kuwarto sa auditorium. At sa halip, sa hagdanan nila isinagawa ang kanilang sesyon.
Iginiit ng Sandiganbayan na sa pagbibigay ng alternatibong lugar at sapat na abiso, hindi maaaring palabasin na sinadya nina Mayor Cayetano at Atty. Montales na pigilan ang mga konsehal na magdaos ng sesyon.
Labis namang ikinaga-lak ni Mayor Lani, na tumatakbo sa kanyang ikatlong termino sa darating na May 2016 elections, ang desisyong ito ng Sandiganbayan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Lani, “Ako’y nagpapasalamat at tuluyan nang tinuldukan ng Sandiganbayan ang kasong ito na wala naman talagang batayan.Ngayon, mas maitutuon ko ang aking atensyon sa paglilingkod sa aking mga nasasakupan gayundin ang pagtulong kay Alan sa kanyang kampanya para sa pagbabago sa national level.” dagdag ni Mayor Lani.
- Latest