Foreman patay sa tumalsik na blade ng electric fan
MANILA, Philippines - Isang foreman sa construction ang nasawi makaraang aksidenteng tamaan ng putol na blade ng kinukumpuni nitong electric fan sa isang gusali sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PO2 Alvin Quisumbing, ang biktima na si Ricardo Castillo, 46, ng San Jose Del Monte Bulacan.
Ayon kay Quisumbing, ang biktima ay nagawa pang maitakbo ng kanyang kasamahan sa ospital, pero hindi na rin ito umabot pa ng buhay.
Nangyari ang insidente sa isang basketball court sa loob ng Corinthian Garden Subdivision, na matatagpuan sa Madrigal St., Brgy., Norte sa lungsod, ganap na alas-11 ng gabi.
Bago ito, ang biktima at kanyang mga kasamahan ay kasalukuyang nagkukumpuni ng isang improvised electric fan sa lugar gamit ang isang cut-off blade.
Habang nagkakabit, biglang nagmal-function ang electric fan at ang cut-off blade na ikinakabit ng grupo ng biktima ay biglang kumalas saka tumama sa dibdib ng huli.
Dahil dito, nagtamo ng matinding sugat ang biktima at isinugod ng kanyang kasamahan sa Medical City para magamot subalit idineklara din itong dead on arrival ganap na alas-12:17 ng madaling-araw.
Sabi ni Quisumbing, base sa pahayag ng doktor, nagtamo ng matinding hiwa sa dibdib ang biktima dahilan ng kanyang kamatayan.
- Latest