‘Kotong cop’ huli sa entrapment
MANILA, Philippines – Kulungan ang bagsak ng isang pulis Valenzuela makaraang maaresto ng mga tropa ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang entrapment operation hingil sa reklamong pangongotong sa isang security guard sa lungsod, iniulat kahapon.
Nakilala ang naarestong suspect na si PO3 Gerry Pajares, 44, nakatalaga sa Warrant Section ng Valenzuela City Police Station at naninirahan sa Block 15, Lot 11, Section 15, Phase 2 Pabany Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon sa ulat, ang suspect ay inaresto bunga ng reklamo ng isang Bernardo Altes, 40, ng Maysan Road Valenzuela City.
Ayon kay Chief/Insp. Nino Briones, hepe ng CIDG, ang entrapment operation ay ginawa makaraang pormal na dumulog sa kanilang tanggapan si Altes upang humingi ng tulong kaugnay sa umano’y reklamong pangongotong ng suspect.
Base sa reklamo ng biktima, nag-ugat ang insidente makaraang hingan umano siya ni PO3 Pajares ng halagang P5,000.00 matapos na ipabatid sa kanya nito na mayroon siyang warrant of arrest.
Sabi ni SPO4 Bricio Colanding ng CIDG, aminado umano ang biktima na mayroong reklamo sa kanya na kasong act of lasciviousness na isinampa ng hindi na nito pinangalanang complainant, ilang buwan na ang nakakalipas pero ang alam nito ay hindi na anya ito itinuloy pa ng huli.
Kaya naman sa takot ng biktima na makulong ay nagbigay na ito ng halagang hinihingi.
Subalit matapos nito ay muli umanong nag text kay Altes si PO3 Pajares nitong Nov. 15, 2015 at humingi muli ng dagdag na P2,600.00 para umano sa pag-aayos naman sa kanyang warrant of arrest.
Sa puntong ito, nakahalata na ang biktima dahilan para humingi na ito ng tulong sa nasabing tanggapan kung saan inihanda ang entrapment operation na dito nadakip ang pulis.
- Latest