Parañaque satellite office itatayo sa Entertainment City sa 2016
MANILA, Philippines – Iniutos kahapon ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez sa city planning office na gawin agad ang plano para sa pagpapatayo ng bagong special investment district (SID) building sa Pagcor Entertainment City sa may Coastal Road.
Sa kanyang direktiba, ipinaalam ni Olivarez kay city planning officer Engr. Benigno Rivera na dapat matapos ngayong taon ang engineering design at magiging gastos ng pamahalaan para masimulan sa first quarter ng 2016 ang konstruksyon ng building.
Itatayo ang SID building sa may isang ektaryang lupa ng city government para maging kumbeniyente ang pagkuha ng mga lisensya, permit at iba pang dokumento ng mga daang-daang local at foreigner investors sa Entertainment City.
Sa ngayon, may dalawang malaking hotel casino ang Solaire Resorts and Casino at City of Dreams ang nabuksan at nag-ooperate na. Bago magtapos ang 2016, bubuksan na rin ang Manila Bay Resorts at ang mga bagong international hotels ng Megaworld at isang malaking mall ng Ayala Corp.
Ayon kay Olivarez, ang building ay magsisilbing satellite office kung saan ay magkakaroon din ng opisina ang business permit and licensing, assessor’s, at treasurer para hindi pumunta ang mga negosyante sa city hall sa may Sucat.
Bukod sa mga opisina, magkaroon din ng police and fire departments, traffic office, National Bureau of Investigation office at health office para agad makakuha ng mga permits ang mga gustong mag-apply sa trabaho, paliwanang ni Olivarez.
Sa ngayon, may halos 20,000 business establishments na ang nago-operate kaya naniniwala si Olivarez na ang lungsod ay ang susunod na entertainment at tourist destination ng bansa bago mag-2020.
- Latest
















