Radio reporter na ipiniit, pinalaya na
MANILA, Philippines – Laya na ang radio reporter na nakaalitan, pinosasan at inaresto ng isang pulis sa loob ng Marikina City Police Station kahapon.
Batay sa dalawang pahinang kautusan, inatasan ni Marikina City Prosecutor Von Sto. Domingo ang Marikina City Police na pakawalan si DZRH Reporter Edmar Estabillo habang patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Inatasan rin ng piskalya si Estabillo na magsumite ng kanyang counter affidavit sa pagdinig na isasagawa sa Nobyembre 16 at 23 ng hapon.
Si Estabillo ay matatandaang sinaktan, pinosasan at inaresto ni SPO2 Manuel Laison kamakalawa sa loob ng tanggapan ng pulisya matapos ang mainitang argumento na sinasabing nag-ugat lamang nang tingnan ng radio reporter ang police blotter upang maghanap ng maibabalita.
Sinampahan siya ni Laison ng kasong unjust vexation, direct assault at simple obedience.
Nagsampa rin naman si Estabillo ng kasong physical injury laban kay Laison dahil sa pananakit na ginawa nito sa kanya.
Iginiit naman ni Laison na naging arogante si Estabillo sa paghahanap ng blotter kaya nauwi sa hindi maganda ang kanilang pag-uusap.
Samantala, isang radio reporter naman, sa katauhan ni Silvestre Labay ng dzXL, ang nagkwento na nagkaroon rin siya ng kahalintulad na karanasan mula kay Laison.
“Lumapit ‘yan galit na galit. Bakit daw nakikialam ako. Siyempre titignan ‘yung blotter. ‘Sabi niya’ parang bahay daw na dapat ‘pag walang tao ‘wag pumasok. Sabi ko ibang sitwasiyon naman ito police ito, public record ito dapat buklatin ‘yung blotter,” kwento ni Labay.
Ipinag-utos na ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Elmer Jamias ang pag-relieve sa pwesto kay Laison habang iniimbestigahan ang kaso.
Suportado naman ng National Press Club of the Philippines (NPC) si Estabillo at kinuwestiyon ang tila ‘overkill’ na pagtrato sa reporter, na hindi naman isang kriminal.
- Latest




















