2 bangkay lumutang sa ilog sa Maynila
MANILA, Philippines – Dalawa katao ang natagpuang palutang-lutang sa ilog na pinaniniwalaang inanod sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.
Unang natagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bangkay ng isang nangangalakal ng basura na pinaniniwalaang nalunod, sa Manila Bay, Roxas Boulevard, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO3 Noel Santiago ng Manila Police District-Homicide Section, kilala lamang sa alyas na “Lais” ang biktimang nasa 35-40 anyos, payat, may taas na 5’1-5’3, maitim at naka t-shirt na itim at gray ang shortpants.
Bandang alas 7:00 ng gabi nang mamataan ito na nakalutang sa dagat ni PO3 Arasad Omar, ng PCG kaya ito hinatak patungo ng tabing-dagat at ipinabatid sa MPD.
Posible umanong nalunod lamang ito dahil huling nakita ito alas 10:00 ng umaga kamakalawa, na nangunguha ng mga lumulutang na basurang plastik sa Manila Bay.
Samantala, isa pang hindi kilalang lalaki ang natagpuang lumulutang sa ilog sa ilalim ng Reina Regente bridge, sa Binondo, Maynila, kahapon ng umaga. Inilarawan ni PO3 Marlon San Pedro ng MPD-Homicide Section ang biktima sa edad na 30-40, may taas 5’4, doble umano ang suot na pang-itaas na stripes t-shirt na sa ibabaw ang long sleeve.
Nakita ang bakas ng dugong umagos mula sa ilong bagamat wala namang nakitang ibang sugat o palatandaan na pinahirapan.
- Latest