Barangay kagawad itinumba ng tandem
MANILA, Philippines – Patay ang isang barangay kagawad matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem, na pinaniniwalaang miyembro ng drug syndicate, kahapon ng madaling- araw sa Malabon City.
Dead-on-arrival sa Valenzuela Medical Center sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa dibdib at kaliwang braso ang biktima na nakilalang si Fernando ‘Boy’ Vergara, 58, kagawad ng Brgy. Panghulo ng naturang lungsod.
Nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan sa mga suspek.
Lumalabas sa inisyal na report na natanggap ni Senior Supt. Severino Abad Jr., hepe ng Malabon City Police, naganap ang insidente alas-4:45 ng madaling- araw sa harapan ng isang chapel sa Panghulo Road ng naturang barangay.
Nakikipaglamay umano ang biktima at kausap nito ang isa sa kaanak ng nakaburol nang dumating ang isang motorsiklo na walang plaka lulan ang mga suspect.
Bumunot ng baril ang mga suspek at walang salitang pinagbabaril ang biktima hanggang sa bumulagta ito.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek at ang biktima naman ay kaagad na dinala sa naturang ospital, subalit hindi na nakarating ng buhay.
Sa pahayag naman ng barangay chairman ng Panghulo na si Esmer Borja, may impormasyon sila na si Vergara ay sangkot umano sa illegal na droga kung saan isa umano itong tulak.
Pinagsabihan pa nga aniya ito na tumigil na sa naturang iligal na gawain.
- Latest