Kagawad, 2 tanod hinoldap habang nagpapatrulya
MANILA, Philippines – Isang kagawad ng barangay at dalawang tanod ang hinoldap ng miyembro ng ‘Bahala na Gang’ habang ang mga ito ay nagpapatrulya, kahapon ng madaling-araw sa Malate, Maynila.
Nagreklamo sa Manila Police District Station 9 sina Josephine Picayo, 49, Bgy. Kagawad ng Brgy. 705 Zone 77; Tito Vargas, at Ludivico Mondala, kapwa tanod matapos na tutukan ng baril at sapilitan kunin ang ang kanilang cellphone at P1,500 na cash ng suspek na si Ryan Christian Canoy, 18, ng #1 Maria Orosa St., Malate.
Batay sa ulat ng pulisya, nagpapatrulya ang tatlo dakong alas-5:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng San Andres sa Malate, nang bigla umanong sumulpot ang armadong suspek, saka sila tinutukan ng baril.
Kaagad naman nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa pinangyarihan at namataan nila ang suspek na naglalakad.
Nabawi naman sa suspek ang kinulimbat nito sa mga biktima habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban dito.
- Latest