Holdaper utas sa parak
MANILA, Philippines – Utas ang isa sa dalawa umanong holdaper makaraang makipagpalitan ng putok sa isang tauhan ng Quezon City Police District ilang minuto matapos biktimahin ng una ang isang babae sa lungsod, kamakalawa.
Sa ulat ng QCPD Criminal Investigation and Detective Unit, nakilala ang nasawi na si Jerome Gallado, 29, residente ng NIA Road, Brgy. Pinyahan sa lungsod. Nakatakas naman ang isang kasama nito na ngayon ay tinutugis na ng mga awtoridad.
Ayon kay PO2 Julius Balbuena, imbestigador sa kaso, ang suspect ay personal na kinilala ng kanyang biniktima na si Monica Soleil Mercado, 29, kawani ng Globe telecom at residente ng Pasig City na isa sa nangholdap sa kanya.
Naganap ang engkwentro sa kahabaan ng EDSA, NIA Road, Brgy. Pinyahan ganap na alas-9 ng gabi, makaraang rumesponde ang nagpapatrulyang pulis na si PO1 Valentino Asa na nakapansin sa panghoholdap ng mga suspect sa biktima, ganap na alas-8:30 ng gabi.
Sabi ng biktima, bago ang insidente naglalakad umano siya sa may bahagi ng GMA- MRT station sa Brgy. South Triangle nang lapitan siya ng dalawang lalaki at bigla siyang tinutukan ng patalim at saka nagdeklara ng holdap.
Agad na kinuha ng mga suspect ang kanyang Samsung cellphone P8,000, at pouch na naglalaman ng mga pambabaeng gamit bago nagtatakbo ang mga ito patakas patungo sa EDSA NIA Road.
Tiyempong nagpapatrulya naman sa lugar si PO1 Asa at nakita ang komosyon sanhi para habulin niya ang mga suspect. Ngunit, habang papalapit ang pulis ay pinaputukan umano ito ng isa sa mga suspect dahilan para gumanti ang una ng putok at tamaan si Gallado, habang ang kasamahan nito ay nagawang makatakas. Patuloy ang imbestigasyon ng CIDU sa nasabing insidente.
- Latest