Parak tiklo sa drug bust
MANILA, Philippines – Arestado ang isang kagawad ng pulisya makaraang makuhanan ng shabu sa isang buy-bust operation sa lungsod Quezon, kahapon ng hapon.
Sa ulat ni Supt. Michael Macapagal, hepe ng Quezon City Police Station 11, nakilala ang suspect na si PO3 Franklin Gadia, nakatalaga sa Regional Police Holding Accounting Unit sa Bicutan.
Ayon kay Macapagal, si Gadia ay nadakip ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group (SAID-SOTG) sa isang buy bust operation sa loob ng isang apartelle na matatagpuan sa kahabaan ng E. Rodriguez Ave., corner Morato, ganap na alas-12:30 ng hapon.
Diumano, sa nasabing lugar nagkasundo ang nagpanggap na buyer ng SOTG kasama ang isang babaeng impormante at ang suspect para sa pagbili ng una ng halagang P1,000 shabu.
Nang abutin ng suspect ang pera kapalit ang shabu ay saka ito dinampot ng mga nakaantabay na operatiba ng SAID-SOTG.
Bukod sa shabu, nasamsam din ng mga operatiba mula sa suspect ang drug paraphernalia, weighing scale, improvised toother, at ilang piraso pang plastic sachet, lighter, aluminum foil na may shabu residue, at isang .9mm pistola.
Sabi ni Macapagal, si Gadia ay responsable sa pagpapakalat ng iligal na droga sa buong Brgy. Tatalon. Sinasabing Dec. 1, 2014 nang mapatawan ng AWOL (absent without leave) si Gadia at nitong January 13, 2015 ay inire-assigned ito sa Bicutan.
- Latest






















