Lalaki tiklo sa panggagantso
MANILA, Philippines - Timbog ang isang lalaki makaraang tangayin ang cellular phone at pera ng isang jeepney driver na una nitong kinontrata para arkilahin ang sasakyan, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Nahaharap ngayon sa kasong estafa ang suspek na nakilalang si Angelito Maglaya, 26, ng Block 8 Lot 18 Phase 7, Bagong Silang Brgy. 178, ng naturang lungsod.
Sa salaysay ng biktimang si Brodlee Pagtalunan, 29, jeepney driver, ng Brgy. Tugatog, Malabon City, namamasada siya nang kausapin ni Maglaya na aarkilahin ang kanyang jeep para ihatid ang kanyang pamilya sa Bagong Silang. Nagkasundo ang dalawa sa halagang P2,500.
Ngunit nagtungo muna ang dalawa sa isang mall sa may Monumento upang bumili ang suspek ng groceries. Dito nanghiram ng P170 ang suspek at maging ang cellular phone upang tawagan umano ang misis saka sinabihan si Pagtalunan na ihanda na ang kanyang jeep.
Dahil sa duda, minasdan ng biktima ang kilos ni Maglaya hanggang sa makitang plano nitong tumakas. Dito nagkagulo nang iharang ni Pagtalunan ang kanyang jeep sa pampasaherong jeep na sinakyan ng suspek.
Dito na nakialam ang mga tauhan ng Department of Public Safety and Traffic Management ng Caloocan at dinala ang dalawa sa presinto kung saan nadiskubre ang tangkang panlilinlang ng suspek.
- Latest