Trike driver itinumba habang namamasada kasama ang pamilya
MANILA, Philippines - Utas sa pamamaril ang isang 24-anyos na tricycle driver na inatake ng hindi pa kilalang gunman habang kaangkas ang dalawang anak at live-in partner sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Aldrin Barniebo, residente ng Block 2 Habitat, Baseco Compound, Port Area, na nagtamo ng isang tama ng bala sa dibdib. Isinugod pa ito sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ngunit binawian din ng buhay.
Sa ulat ni SPO1 John Charles Duran ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9:24 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa Bonifacio Drive panulukan ng 11th St., Port Area.
Pahayag ng live-in partner na si Lorena Diocton sa imbestigador, kasama sila sa pamamasada ng biktima at nang ibaba ang pasahero sa nasabing lugar ay biglang may lumapit mula sa kanilang likuran at binaril ang biktima sa dibdib, bago naglakad lang papalayo ang suspek.
Hindi pa tukoy ang motibo at suspek sa krimen na kasalukuyan pang iniimbestigahan.
Dinala ang bangkay sa St. Rich Funeral Services.
- Latest