Ret. Marine 2nd Lt. natagpuang patay sa firing range
MANILA, Philippines - Isang retiradong Marine 2nd Lieutenant ang natagpuang patay sa firing range ng Philippine Marine Corps (PMC) sa Fort Bonifacio, Taguig City kahapon ng umaga.
Kinilala ni Marine Col. Edgard Arevalo, spokesman ng Philippine Navy ang biktima na si ret. Marine 2nd Lieutenant Romeo Sierra, tumutulong bilang range officer sa nasabing firing range.
Bandang alas-8:15 ng umaga nang matagpuan ng isang Navy personnel ang nakabulagtang duguang katawan ng biktimang nagtamo ng tama ng bala sa bibig sa Naval Station Jose Francisco Firing Range sa Fort Bonifacio.
Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team ng Southern Police District ang cal. 45 pistol sa tabi ng biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na dakong alas-6:48 ng umaga nang dumating sa firing range ang biktima sakay ng traysikel bago natagpuan ang bangkay nito.
Nabatid na bago ang insidente ay dumaing ng pinansyal na problema ang biktima kung saan ay naghahanap ito ng mapagsasanglaan sa kaniyang cal. 45 pistol.
Iniimbestigahan naman ng pulisya ang anggulong suicide sa kasong ito.
Samantala, tiniyak naman ni Arevalo na makikipagtulungan ang kanilang hukbo sa imbestigasyon ng pulisya.
- Latest