3 bangkay natagpuan sa Maynila
MANILA, Philippines – Tatlong bangkay na pawang walang pagkakakilanlan ang natagpuan ng mga operatiba ng pulisya sa magkakahiwalay na lugar kamakalawa ng hapon at kahapon ng madaling-araw.
Bandang alas-12 ng madaling araw noong Miyerkules nang matagpuan ang nakasakong bangkay ng babae na naka-itim na t-shirt at pantalon sa bangketa ng panulukan ng Davides at Alvarado Street.
Pinaniniwalaang inatake sa puso ang babae dahil sa matinding lamig sa bangketa at posibleng walang kaanak na matuluyan.
Noong Martes ng hapon (Dec. 30) namatay naman sa Ospital ng Tondo ang isang lalaki na may edad 50–55, katamtaman ang pangangatawan, nasa 5’2’’ – 5’3’’ ang taas, maitim, kulot na kulot ang buhok.
Walang malay nang dalhin sa nasabing pagamutan ng dalawang lalaki na nagmalasakit subalit idineklarang patay ng mga doktor.
Samantala, bandang alas-10 ng umaga noong Martes ay natagpuang lumulutang sa Pasig River ang isang bangkay ng lalaki na inilarawan naman na may edad 35 hanggang 40, katamtaman ang katawan, may mga tattoo na Lito sa pusod, Ashley Pascua at Aimariz Bautista sa dibdib, Noel, Manok, Osang at Monching sa likod at SSC sa kanang binti.
Nabatid na itinawag sa Philippine Coast Guard ng Tug boat “Ariana” ang nakitang bangkay na lumulutang na pinaniniwalaang nalunod o nagpakamatay ang biktima dahil walang palatandaang pinatay.
- Latest





















