Sunog sa Las Piñas City: 6 patay
MANILA, Philippines – Anim-katao ang sinalubong ni kamatayan habang dalawa naman ang sugatan sa naganap na sunog sa Brgy. Manuyo Dos, Las Piñas City kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat na isinumite kay P/Senior Supt. Adolfo Samala, hepe ng Las Piñas City PNP, kabilang sa mga namatay ay sina Segunda Hernandez, 80; Dulce Tianzo, mga anak na sina Allick Bon Tianzon, Aaron Archer Tianzon; Duncan Bryan Tianzon at ang ina ni Dulce na si Alita.
Samantala, naisugod naman sa ospital ang mga sugatang sina Bonifacio Tianzon Jr. at Ace Bon Tianzon na pawang nakatira sa Nomad St. sa Airmen’s Village sa nasabing barangay.
Nagsimula ang sunog sa bahay ng pamilya Tianzon bandang alas-12:45 ng madaling-araw.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang sumiklab at kumalat ang apoy sa bahay ng pamilya Tianzon kaya nakulong ang mga biktimang magkakasamang natutulog.
Walang nakalapit na kapitbahay dahil sa matinding init dulot ng apoy na bumalot sa buong kabahayan ng pamilya Tianzon kung saan huling narekober ang ang bangkay ni Lola Hernandez.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog kung saan aabot sa P.3 milyong halaga ng ari-arian ang nilamon ng apoy habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest






















