Kasabwat na pulis, 1 pa tugis ginang sa sex trafficking, timbog
MANILA, Philippines – Isang 39-anyos na ginang ang inaresto habang pinaghahanap pa ang isang pulis na kasabwat nito kaugnay sa ‘pambubugaw’ sa mga babae sa pamamagitan ng ‘extra massage services’ matapos magsagawa ng pagsalakay sa bahay nito ang mga tauhan ng Manila Police District-Station 6 sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kahapon ay sinampahan na ng reklamong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act o Republic Act 9208 at paglabag sa Article 178 (using fictitious name and concealing true name) sa Manila Prosecutor’s Office sa suspek na si Erlinda Gregorio, alyas Anne Vergara, residente ng Pandacan, Maynila.
Kabilang din sa sinampahan ng RA 9208 si PO2 Ruperth Vergara, ng RPHRDD/R1-National Capital Region Police Office (NCRPO), Camp Bagong Diwa, Taguig City, na nakalalaya pa at Rod Castillo, na sinasabing empleyado umano ng National Police Commission (NAPOLCOM) na idinadawit din sa nasabing aktibidad.
Nabatid na dakong alas-9:00 ng umaga nang salakayin ang bahay ni Gregorio at doon narekober ang may 5 babaeng ‘alaga’ nito para sa mga parukyano sa sex services. Kinuha din sa kustodiya niya ang isang anak na paslit, na kasama nito sa bahay.
Ayon sa ulat ni C/Insp. Alfredo Arturo, unang nailigtas si alyas Airah, dakong alas- 10:00 ng gabi sa Winners Inn, nang makipagkita ito sa nagpanggap na kostumer para sa panandaliang aliw.
Nang hawak na ng grupo ni C/Insp. Arturo si Airah, tinawagan nito ang ‘mamasang’ na si Gregorio para magtungo sa ospital at nagkunwaring siya ay nabiktima ng ‘hit and run’ nang magtungo sa kliyente.
Sa halip na si Gregorio, si PO2 Vergara ang dumating na nagpakilala pang siya ay nakatalaga sa Office of the Regional Director ang nakipagkita kay Airah hanggang sa kunwaring maghahain ng reklamo sa Sta. Ana Police Station ang huli subalit natunugan ito ni PO2 Vergara at bigla na lamang umanong naglaho.
Ilang minuto pa ay tumawag umano si PO2 Vergara sa mga operatiba at nagbabala na huwag nang ituloy ang pagsasampa ng kaso laban kay Gregorio at kung hindi ay mapipilitan siyang itawag ito sa NCRPO director.
Naging dahilan ito upang magplano na ang mga pulis na salakayin ang ‘lungga’ ni Gregorio.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya, bukod kay PO2 Vergara, isa pang Rod Castillo rin umano ay may kinalaman sa operasyon ni Gregorio.
Nakikipag-ugnayan na rin ang MPD sa NCRPO at sa Napolcom para maaresto ang dalawa pang suspek.
- Latest