Brgy. ex-officio, itinumba ng mga nakamotorsiklo
MANILA, Philippines – Bulagta ang isang barangay ex-officio matapos itong pagbabarilin ng isa sa apat na kalalakihan na nakasakay ng dalawang motorsiklo habang ang una ay nakaupo malapit sa outpost sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Alfonso Medical Center sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng .9mm caliber pistol sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Rodel Morales, 47, ng Brgy. Panghulo, Malabon City at naninirahan sa naturang lugar.
Nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam pa ang pagkakakilanlan sa apat na suspek.
Base sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Malabon City Police, naganap ang insidente alas-8:45 ng gabi malapit sa barangay outpost na matatagpuan sa Panghulo Road, Barangay Panghulo ng naturang lungsod.
Kasalukuyang nakaupo ang biktima malapit sa outpost nang dumating ang isang motorsiklo lulan ang dalawang lalaki at nang makita ng mga ito ang kanilang target ay mabilis ding umalis.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating naman ang isa pang motorsiklo sakay ang dalawa ring lalaki at nang malapit na ang mga ito sa biktima ay agad na binunot ng isa sa mga suspek ang dalang baril at walang sabi-sabing pinutukan si Morales.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek at ang biktima naman ay dinala sa naturang ospital, subalit hindi na nakarating ng buhay.
Patuloy na nagsasagawa na masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung may kinalaman sa kanyang trabaho bilang opisyal sa barangay ang ginawang pagpatay sa biktima.
- Latest