Payroll holdap: 1 utas
MANILA, Philippines - Dedo ang isang tsuper at sugatan ang dalawang sakay nito nang pagbabarilin ng tatlong hindi pa kilalang mga suspek habang sakay ang mga biktima sa isang service vehicle ng kanilang kompanya matapos mag-withdraw ng halagang tinatayang nasa kalahating milyon na payroll money sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Dead-on-arrival sa Pacific Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Ricky Nepomuceno, 40.
Ginagamot naman sa naturang ospital sanhi ng tama ng bala ang mga sugatang sina Jennifer Dizon, 31; at Michelle Nepomuceno, 37, admin staff, misis ng nasawi, pawang mga empleyado ng Lamco Paper sa Brgy. Lawang Bato ng naturang lungsod.
Base sa ulat na natanggap ni Police Senior Supt. Rhoderick Armamento, hepe ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente alas-4:30 ng hapon, matapos mag-withdraw ng halagang nasa kalahating milyon ang mga biktima sa isang banko sa Brgy. Paso de Blas ng naturang lungsod at habang pabalik sa kanilang kompanya, hinarang at pinagbabaril ang sinasakyan ng mga ito ng mga suspek na nakasakay naman sa taxi na hindi naplakahan.
Tinamaan ang mga biktima at kahit sugatan ang nasawi ay nagawa nitong ipaharurot ang sasakyan hanggang sa bumangga sa konkretong barrier.
Nilapitan ng mga suspek ang sasakyan bago kinuha ang dalang bag ng mga biktima na naglalaman ng naturang halaga na pansuweldo sa mga kawani nito at saka nagsitakas.
Nakahingi naman ng tulong ang mga sugatang biktima at naisugod ang mga ito sa nasabing ospital.
Inaalam na ng mga pulis kung sino ang mga suspek at inaalam na rin kung may anggulong inside job ang nasabing insidente.
- Latest