Naagnas na bangkay natagpuan
MANILA, Philippines - Ang umaalingasaw na masangsang na amoy ang naging daan upang madiskubre ang bangkay ng isang construction worker sa loob ng construction site sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PO3 Erickson Isidro, may-hawak ng kaso, ang biktima na si Danilo Mosqueda, 67, may-asawa ng Gemini St., Pangarap Village, Caloocan City.
Ang bangkay ng biktima ay nadiskubre makaraang magreklamo sa barangay ang residenteng si Mary Emily Encarnacion dahil sa apat na araw na nilang naamoy ng kanyang pamilya ang masangsang mula sa katabing construction site.
Una ay inakala ng pamilya Encarnacion na ang amoy ay mula lamang sa patay na daga, subalit dahil hindi na nila ito masikmura ay nagpasya silang idulog ito sa barangay.
Ang nasabing construction site ay matatagpuan sa #20 Real State St., Project 8, Brgy. Sangandaan, sa lungsod. Nang puntahan ni Brgy. Ex-O Zaldy Malto ang loob ng construction site ganap na alas 9:30 ng gabi at puwersahang buksan ang pinto nito ay saka bumungad sa kanilang harapan ang walang buhay na katawan ng biktima.
Agad na inireport ng barangay ang insidente sa otoridad para sa pagsisiyasat.
Isinailalim naman sa cursory examination ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang biktima upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
- Latest

















