Mobile car binundol ng bus: 4 parak sugatan
MANILA, Philippines – Apat na pulis ang nasugatan makaraang mabundol ang sinasakyan nilang mobile patrol car ng isang rumaragasang bus habang ang sasakyan ng mga biktima ay nakaparada sa isang kalye sa kahabaan ng Edsa sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling- araw.
Sa ulat ng Quezon City Police Traffic Sector 1 ang mga biktima ay nakilalang sina PO3s Carlito Seneres, Rolando de Guzman, PO1s Christopher Bermejo, at Reynaldo Sarmiento, mga nakatalaga sa QCPD Station 1 mobile patrol unit.
Nasa kustodiya naman ng TS1 ang driver ng bus na si Marciano Sarito, 54, ng Cabuyao Laguna para sa imbestigasyon.
Ayon sa ulat ni PO2 Antonio Tabios ng TS1, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng EDSA, sa Balintawak, Brgy. Apolonio Samson, ganap na alas-12 ng madaling-araw.
Diumano, nakaparada ang sasakyan ng mga biktima sa lugar nang biglang tumbukin ang likurang bahagi ng kanilang mobile ng rumaragasang Golden Dragon bus na minamaneho ni Sarito.
Sa lakas ng impact, nayupi ang likuran ng mobile dahilan para magtamo ng mga sugat at galos ang mga sakay na pulis at masugatan.
Agad namang itinakbo sa ospital ang mga biktima at nilapatan ng lunas.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya.
- Latest