Dalaga hinostage ng adik
MANILA, Philippines – Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Caloocan City Police at Caloocan Department of Public Safety and Traffic Management ( DPSTM) ang isang dalaga na halos isang oras na hinostage ng isang lalaking hinihinalang nasa impluwensya ng iligal na droga, kahapon ng umaga sa Monumento sa naturang lungsod.
Kinilala ni DPSTM chief, Larry Castro ang suspek na si Joshua Jerico Ramirez, 32, residente ng Gagalangin, Tondo, Maynila. Nakumpiska rito ang dalawang icepick na ginamit sa pangho-hostage.
Isinasailalim naman sa trauma counselling makaraang lapatan ng paunang lunas ang 19-anyos na biktima na si Danica Dacer, hotel employee, at naninirahan sa Camachile, Balintawak, Quezon City.
Sa ulat na nakalap, naganap ang pangho-hostage pasado alas-9 ng umaga sa tapat ng RJ Bus Transit Terminal sa may EDSA-Monumento ng naturang lungsod. Naglalakad ang biktima na papasok sa trabaho nang hablutin ng suspek at tutukan ng patalim.
Agad namang rumesponde ang mga nakatalagang pulis at traffic enforcer ng DPSTM ngunit kinaladkad ng suspek ang biktima sa kanto ng isang ‘ukay-ukay shop’. Ayon kay Castro, tumayong ground commander at negosyador sa insidente, hinahanap umano ng suspek ang ina nito at ibinigay ang address sa Tondo.
Mabilis na pinapuntahan ng mga awtoridad ang naturang lugar ngunit hindi nahagilap ang ina nito. Habang nasa kasagsagan ng negosasyon, nakalingat ang suspek na sinamantala ng mga pulis at ni Castro para dakmain ito at agad na mailayo ang biktima. Nagtamo naman ng sugat sa binti si Castro dahil sa pakikipambuno sa suspek.
- Latest