Yolanda survivor huli sa dalang toy gun
MANILA, Philippines – Isang lalaking may sakit sa pag-iisip na hinihinalang isa sa mga survivor ng bagyong Yolanda ang dinala sa pulisya matapos itong paghinalaang holdaper dahil sa dala nitong baril-barilan sa loob ng isang provincial bus, kamakalawa sa Makati City.
Nasa custody ngayon ng Makati City Police ang suspek na si Argie Subong, 26, galing ito ng lalawigan ng Iloilo.
Sa isinumiteng report na natanggap ni Chief Supt. Henry Ranola Jr., Officer-In-Charge (OIC) ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente alas-10:05 ng umaga sa Brgy. Magallanes ng naturang lungsod sa loob ng Dimple Star (TYG-669) na may biyaheng Iloilo.
Nabatid na nakasakay ang suspek sa naturang provincial bus at pinaghinalaan itong holdaper dahil sa dala nitong baril na nabatid na baril-barilan lamang.
Ang insidente ay nalaman ng SPD Tactical Operation Center (TOC) at sa pamamagitan ng radio communication at kaagad itong inalarma sa mga himpilan ng pulisya ng Makati, Pasay, Parañaque at Muntinlupa City.
Dahilan upang rumisponde ang mga pulis hanggang sa hinarang nila ang naturang bus at dito nila nasakote si Subong.
May hinala ang pulisya na posibleng isa sa mga survivor ng bagyong Yolanda ang suspek at sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang naturang insidente.
- Latest





















