2 Koreano tiklo sa robbery/extortion
MANILA, Philippines - Dalawang Koreano na sangkot sa robbery /extortion ang nasakote ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa isinagawang entrapment operation sa Malate, Manila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/ Director Benjamin Magalong ang mga suspek na sina Han Hyeo Seok at Jeun Su Hyun, kapwa 35-anyos at pansamantalang naninirahan sa Pearl of the Orient Condominium sa Malate.
Nasakote ng mga operatiba ng PNP-CIDG ang mga suspect sa Coffee Bean sa kahabaan ng Adriatico Street, Malate bandang alas-9 ng gabi.
Nabatid na ipinagharap ng reklamo ang mga suspect ng kapwa Koreano na si Kim Hyung Wook.
Sa salaysay ni Wook, kinuha ng mga suspect ang kaniyang mamahaling kagamitan at matapos ito ay hinihingan siya ng P 267,000 para ibalik ang mga bagay na kaniyang pag-aari.
Samantala, bukod dito ay kinulong pa si Wook ng mga suspect sa loob ng condominium unit noong Oktubre 24 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw kung saan tinakot na papatayin kapag nagsumbong sa mga awtoridad.
Ipinaabot na rin ng PNP-CIDG sa Korean Embassy ang pagkakaaresto sa dalawang suspek.
- Latest