Kawatan sa MRT timbog
MANILA, Philippines - Timbog sa mga security guard ng Metro Rail Transit (MRT) ang isang kawatan na snatcher matapos na biktimahin nito ang isang engineer sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.
Ang suspek na ngayon ay nakakulong sa selda ng Mandaluyong police ay nakilalang si Louie Ignacio, 35, binata, ng Kalayaan Road, Bagong Barrio, Caloocan City.
Sa imbestigayon na isinagawa ni PO2 Norlito Co ng Criminal Investigation Unit ng Mandaluyong PNP, nabatid na dakong alas-7:15 ng gabi ng arestuhin ng mga guwardiya ng MRT Shaw Boulevard ang suspek dahil sa reklamo ng biktimang si John Jacob Aringo, 21, design engineer na residente ng Lot 31, Jade St., Tierra de Sta Maria, Pulong Buhangin, Sta Maria, Bulacan.
Ayon sa biktima, habang siya ay sakay ng MRT northbound line at siksikan ang mga pasahero ng mapansin niyang may kamay na dumudukot ng kanyang cellphone na Cherry mobile na nagkakahalaga ng P4,000.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa iba pang pasahero ng MRT at mga security guard kaya mabilis na dinakma ang suspek na noon ay papalabas na ng Shaw Boulevard Station at tinurn-over sa mga awtoridad.
Sa himpilan ng pulisya ay nabatid na dati na ring may kasong pandurukot ang suspek. Inamin din niya na noong 2010 ay nadakip na rin siya ng mga guardia ng MRT dahil sa kahalintulad na insidente. (Mer Layson)
- Latest