Pangulo ng homeowners, itinumba
MANILA, Philippines – Agad na nasawi ang pangulo ng isang homeowners association makaraang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang salarin habang nagsasara ang biktima ng kanyang tindahan, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo ang biktimang nakilalang si Egmedio Salvan, 48, ng Gulayan St., Brgy. Concepcion at pangulo ng Gulayan Homeowners Association.
Sa ulat, isinasara na ng biktima ang kanyang sari-sari store sa tapat ng kanyang bahay dakong alas-11:55 ng gabi nang umalingawngaw ang isang putok ng baril.
Nang puntahan ng mga kaanak, naliligo na sa sariling dugo ang biktima habang mabilis na nakatakas ang suspect.
Tinitingnan naman ng pulisya ang anggulo na lupain ang dahilan ng pamamaslang.
Sinabi ng misis ng biktima na si Delia na nais ni Salvan na maayos na ang titulo ng kinatitirikang mga bahay ng mga residente.
Ngunit may kumokontra umano dahil sa mawawalan ng koleksyon ang sindikato na nagpapaupa ng bahay sa kanilang lugar.
- Latest