Bumbunan ng pintor butas sa bala
MANILA, Philippines – Patay ang isang pintor nang bumaon ang bala sa kanyang bumbunan nang barilin ng di pa tukoy na salarin, habang nagpipintura ng airconditioning unit, sa gilid ng isang gusali, sa Port Area, Manila , kahapon, ng umaga.
Idineklarang dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Roberto Meneses, 49, may asawa, residente ng 12th St., Port Area dahil sa tinamong bala ng di pa tukoy na kalibre ng baril.
Patuloy pa ang imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista, ng Manila Police District-Homicide Section, para matukoy ang motibo at matumbok ang responsable sa pamamaril.
Ayon kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng Homicide, dakong alas 10:00 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa gilid ng no. 166 Metro Building , 13th St., Port Area.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay tauhan umano ng isang negosyanteng Muslim na bumibili ng used aircon at nire-repair, pinipinturahan upang ibenta.
Sinabi ng misis ng biktima na si Marlene, walang kaaway ang kaniyang mister na namamasukan sa Muslim bilang driver at pintor ng airccon.
May hinala naman ang misis na posibleng may kaugnayan sa paggamit ng iligal na droga ng kaniyang mister ang motibo.
- Latest