Klase sa Miriam College, sinuspinde dahil sa ‘bomba’
MANILA, Philippines - Sinuspinde ng pamunuan ng Miriam College sa Quezon City ang pasok ng mga mag-aaral sa hapon.
Ito ay makaraang makatanggap ng text message sa cellphone number +6395-3856409 ang isang Brenda Puresa, president ng student council ng naturang paaralan ganap na alas-12:08 ng tanghali kahapon na may bomba umanong sasabog sa paaralan.
“Magandang umaga Miriam college, may surpresa ang grupo namin para sa inyo, faculty staff at lalo na ang mga estudyante, makinig kayo .may tinago kaming mga pasabog sa campus niyo. hanapin niyo kung makikita niyo pero segurado ako bago niyo mahanap napasabog na namin. dadanak ang dugo sa katipunan, maraming mamamatay at mga pangarap ang mga bata at magulang ang masisira pakiabangan ang mga estudyanteng hinuhuthutan niyo”
Bunga nito, agad namang rumesponde sa lugar ang bomb squad unit ng QC police at mga elemento ng Anonas police.
Makaraang mahalughog ang mga lugar sa naturang paaralan, ganap na alas- 2:30 ng hapon ay idineklara ng pulisya na ligtas ang lugar matapos mag-negatibo sa bomba.
- Latest






















