Tsinoy huli sa 2 kilo ng shabu
MANILA, Philippines – Isang Tsinoy ang nadakip ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa ikinasang anti-drug operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng halos dalawang kilo ng shabu, kahapon ng hapon sa Caloocan City. Nakilala ang naaresto na si Mike Tiu, 36, residente ng Brgy. Sta. Lucia, Masantol, Pampanga.
Sa ulat ng District Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (DAID-SOTG), ikinasa nila ang isang buy-bust operation katuwang ang Malabon City Police sa loob ng isang fast food chain sa may Araneta Square sa Bonifacio Monument Circle dakong alas-12:30 ng hapon.
Nabatid na unang isinailalim sa surveillance operation ng Malabon Police si Tiu makaraan na may magtimbre sa big time na operasyon nito sa pagtutulak ng iligal na droga.
Nakumpiska sa posesyon ni Tiu sa naturang operasyon ang tinatayang halos dalawang kilo ng shabu na tinangka nitong ibenta sa isang asset na nagpanggap na buyer.
Isinasailalim na ngayon sa masusing imbestigasyon ang suspek upang mabatid ang koneksyon nito sa mga internasyunal o lokal na grupo na nag-ooperate sa Metro Manila.
- Latest