Kelot tinodas dahil sa droga
MANILA, Philippines - Hinihinalang sindikato ng iligal na droga na nag-ooperate sa isang barangay sa Caloocan ang pumaslang sa isang lalaki na natagpuang wala nang buhay dahil sa tama ng bala sa katawan, kamakalawa ng gabi.
Patuloy na kinikilala ng pulisya ang natagpuang bangkay na nakasuot ng puting kamiseta at brown na pantalon, may taas na 5’6” at tinatayang may edad sa pagitan ng 40-50 taong gulang. Nagtamo ito ng maraming tama ng bala sa katawan.
Sa ulat, dakong alas-6 kamakalawa ng gabi nang magulantang ang mga residente ng Brgy. 28 nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. Nang puntahan ng mga awtoridad, nadiskbre ang bangkay ng biktima na naliligo sa sariling dugo sa may Block 8 Pamasawata, sa naturang barangay.
Nang inspeksyunin ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), natagpuan sa katawan ng biktima ang ilang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Dayo umano ang biktima sa naturang lugar dahil sa walang nakakakilala sa kanya sa mga residente. Nahihirapan rin ang mga imbestigador na maresolba ang kaso dahil sa walang nais lumantad bilang saksi.
- Latest