Kelot nagbigti
MANILA, Philippines – Isang bangkay ng lalaki ang natagpuang walang buhay na nakabigti sa isang puno malapit sa isang TV station sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay PO2 Louie Serbito, may-hawak ng kaso, wala silang nakuhang pagkakakilanlan sa biktima na isinalarawan na nasa pagitan ng edad na 30-35, nakasuot ng itim na t-shirt at asul na short pants, may mga tattoo na heart shape, barbwire, sa kanang braso.
Nadiskubre ang biktima alas-7:45 ng gabi sa isang puno malapit sa pasukan ng GMA network na matatagpuan sa GMA drive corner Samar St., Brgy. South Triangle.
Nag-iikot sa lugar para mag-inspeksyon ang isang guwardiya ng istasyon nang makita ang biktima sa nasabing puno habang nakabigti gamit ang plastic straw.
Agad na ipinagbigay alam ng guwardiya ang insidente sa kanilang supervisor hanggang sa otoridad.
Sabi ni Serbito, bago ang insidente, sinasabing alas-3 ng hapon ay nagpunta umano ang biktima sa GMA at hinahanap si Mike Enriquez para magsumbong kaugnay sa madalas na pananakit umano sa kanya ng kanyang nanay.
Gayunman, hinihinalang may diperensya sa pag-iisip ang biktima, bagay na patuloy na iniimbestigahan ngayon ng otoridad.
- Latest