Reporter sugatan sa 6 holdaper
MANILA, Philippines – Ginagamot ngayon sa San Juan de Dios Hospital ang isang beteranong mamamahayag makaraang masaksak ng mga kabataang holdaper, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nagtamo ng tama ng saksak sa hita at braso ang biktimang si Ferdinand “Bong” Patinio, 43, reporter ng Philippine News Agency (PNA) at naninirahan sa Cabrera Street sa naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na nakatayo sa tapat ng kanyang bahay si Patinio dakong alas-11 ng umaga at may hinihintay nang lapitan siya ng anim na kabataang lalaki na may edad 14 hanggang 16-anyos.
Tinutukan ang biktima ng patalim ng pinakalider ng grupo subalit nagtangkang manlaban si Patinio kaya ito sinaksak ng mga holdaper.
Masuwerteng sa braso at hita lamang tinamaan ang biktima dahil sa kanyang pagsalag.
Hinablot ng mga holdaper ang IPhone 5S ng biktima bago nagsitakas kung saan agad namang sinaklolohan ng isang kapitbahay si Patinio at naisugod sa pagamutan.
Inaalam naman ng pulisya kung may nakakabit na closed-circuit television camera sa naturang lugar sa pag-asang makikilala at maaaresto ang mga holdaper.
- Latest