Dahil sa tambak na reklamo 2 towing trucks, 4 personnel suspendido
MANILA, Philippines - Dahil sa sunud-sunod at tambak na reklamo, sinuspinde ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang dalawang tow trucks ng RWM Towing Services at apat na tauhan nito.
Ayon kay Moreno, ang patung-patong na reklamo ay indikasyon ng pang-aabuso ng towing trucks ng RWM at mga tauhan nito sa mga may-ari ng sasakyan.
Aniya, nagpadala na siya ng direktiba kay Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Carter Don Logica na isuspinde “indefinitely” ang dalawang tow trucks ng RWM at apat na mga tauhan nito.
Binigyan diin ni Moreno na hindi nila tino-tolerate ang ganitong mga gawain kung kaya’t nakikiusap sa mga motorista na agad na ireport sa kanyang tanggapan ang mga pang-aabuso.
Giit ni Moreno, nagtayo siya ng OVM Complaint Desk sa kanyang opisina na siyang didinig at mag-iimbestiga sa mga naabuso ng mga nasabing tow trucks.
Nilinaw naman ng bise alkalde na hindi lahat ng hinihila ng mga tow trucks ay iligal dahil mahigpit lang talaga ang pagpatupad nila na wala dapat “obstruction” sa mga kalye.
Paliwanag ni Moreno, batay sa polisiya ni Manila Mayor Joseph Estrada, hinihigpitan nila ang mga obstruction subalit hindi umano ito dahilan upang gamitin sa panggigipit sa motorista.
Nakiusap din ang bise alkalde sa RWM towing at iba pang pribadong towing company sa Maynila na ingatan ang mga nahilang sasakyan na lumabag sa batas trapiko. Dapat aniya ay handa ang RWM na managot kung sakaling sampahan sila ng kaso tungkol dito.
May mga reklamo ring nawawala ang ilang mga piyesa at gamit sa sasakyan sa sandaling naimpound.
- Latest