2 pang pugante sa Mandaluyong police detention cell, naaresto
MANILA, Philippines - Dalawa pa sa 11 bilanggo na tumakas mula sa Mandaluyong City Police detention cell ang naaresto ng mga awtoridad nitong Lunes ng gabi sa isinagawang follow-up operation.
Ang mga puganteng sina Alber Llaneta na may kasong theft at Nelson Yambao na may kasong robbery ay kapwa nadakip sa bahay ng kani-kanilang kamag-anak.
Nauna rito, tumakas sa Mandaluyong Police detention cell ang mga preso sa pagitan ng ala-1:00 at alas-3:00 ng madaling-araw ng Lunes kung saan isa sa kanila ang una nang naaresto sa Welfareville Compound at nakilalang si Gabby Capistrano, na may kasong pagnanakaw.
Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang iba pang nakatakas na sina Anjo Remanes (illegal possession of bladed weapons), Archie? Pacheco (illegal drugs case), Alexander delo Cruz aka Anday (theft), Celestino Lopez (theft), Jayson Santos (robbery), Noel Gonzales (theft), Rogelio Reyes (illegal drugs case) at isang Djordan Villadolid na may kasong falsification of public documents na siyang itinuturong pasimuno sa pagtakas.
Sinasabing tatlong araw na nilagari ng mga preso ang kanilang rehas at para hindi marinig at mabuko ay sinasabayan umano ito ng mga preso ng pagbuhos ng tubig.
Ayon naman kay Mandaluyong City Police chief Senior Superintendent Tyrone Masigon, hindi lahat ng tumakas na preso ay may intensiyong pumuga at sa halip ay tinakot lamang sila at pinuwersa upang sumama sa grupo.
Una na ring sinibak ni Masigon ang limang jail officers ng detention cell na sina Jail supervisory Inspector Reynigildo Suarez, duty desk officer PO3 Mateo Naayao,? at mga jail guards na sina PO2 Edward Pasco, PO3 Edwin Quiaile at PO1 Jose Zapata.
- Latest