Pedicab driver inutas
MANILA, Philippines - Patay ang isang 34-anyos na pedicab driver matapos na barilin ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dead on the spot ang biktimang kinilalang si Bonnie Moreno, miyembro ng Sputnik gang, residente ng no. 2294 Malaya St., Balut, Tondo. Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Manila Police District-Homicide Section para sa pagkakakilanlan ng mga suspek na armado ng 9 mm at 45 pistola.
Sa inisyal na ulat ni SPO1 Charles John Duran, dakong alas-3:00 ng madaling-araw, nang maganap ang nasabing pamamaril sa harapan ng isang bahay sa no. 53 Guidote St., Balut, Tondo. Nakikipag-usap sa cellphone ang biktima nang biglang nakarinig ng putukan sa madilim na bahagi ng lugar.
Malapitan umano ang pamamaril batay sa nakitang tama ng biktima na nagtamo ng dalawang bala mula sa kalibre 45 at dalawa din mula sa 9 mm. Limang basyo ng bala ng 9 mm at dalawang basyo naman ng kalibre 45 sa crime scene.
Pinaniniwalaang may kaugnayan sa iligal na droga ang motibo sa insidente ng pagpatay.
- Latest





















