Canadian, Briton timbog sa illegal telemarketing
MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang telemarketing company na sinasabing iligal ang operasyon at naaresto ang dalawang foreign nationals at 28 iba pa sa Mandaluyong City, sa ulat kahapon.
Kinilala ni NBI Director Virgilio Mendez ang nadakip na si David Gilinsky, Canadian national, may-ari ng PROACT Telemarketing Inc. at residente ng #3009 Tivoli Residences, Mandaluyong City at British national na si Paul Fisher, nagsisilbing trainer at residente ng One Triangle, Makati City.
Kabilang din sa dinampot at kasalukuyang nakapiit sa NBI detention facility ang may 28 researcher ng kumpanya, na pawang mga Pinoy na residente ng Manila, Quezon City , Parañaque, Caloocan, Mandaluyong , Makati, Malabon at Pasay City.
Sa ulat ni Head Agent Ronald Aguto, ng NBI-Cyber Crime Division (CCD) , nitong nakaraang Mayo 7, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa paggamit umano ng computer data program sa input at access ng nasabing kumpanya ng hindi otorisado.
Isinailalim umano ito sa serye ng surveillance operations at nakumpirma ang iligal na aktibidad kaugnay sa paglabag sa Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), at matapos kumuha ng search warrant nitong Mayo 16 ay ikinasa ang operasyon.
Kinumpiska ang ilang unit ng computer, printers, servers, telephones, at mga dokumento at script kaugnay sa telemarketing operation.
Sa forensic examination, nakumpirma ng NBI na napapasok ng nasabing kumpanya ang mga websites na www.linkedin.com, www.exporters sg/membersdir.asp, www. atj ,asia/contact, www.google.com.ph, at iba pang sites sa kanilang excel files na naglalaman ng database ng mga pangalan at contact information ng iba’t ibang kumpanya sa Asia, Europe, at Africa.
Nadatnan din ng NBI agents sa isinagawang operasyon ang aktuwal na paggamit ng application na tinatawag na ‘Call Disposition Tool and Management‘ .
Nakakuha din ng dokumento ang team ng scripts na nagsasaad na sila ang nagpo-provide ng financial services mula sa EQ New York na nagpa-publish ng monthly reports sa financial markets at global economic trends, na ginaÂgamit nilang pang-engganyo sa pamamagitan ng pagpapadala ng brochures nito sa mga kliyente.
Nagagawa din nilang makakuha ng mga impormasyon ng iba’t ibang tao at kumpanya sa iba’t ibang panig ng mundo.
- Latest