Sumbrero, shades bawal sa sanglaan, remittance centers -- NCRPO
MANILA, Philippines - Matapos na ipagbawal sa mga shopping malls, posibleng hindi na rin payagan ang pagsusuot ng sunglasses at sombrero sa loob ng mga sanglaan at mga money remittance shops sa Metro Manila.
Ayon kay National CaÂpital Regional Police Office (NCRPO) chief Director Carmelo Valmoria, pinakamadalas rin na sinasalakay ng mga holdaper ang mga sanglaan, at mga cash transfer outlets base sa kanilang datos.
Posibleng magdalawang-isip umano ang mga suspect na umatake kapag sa pasukan pa lamang ng mga establisimiyentong nabanggit ay pagbabawalan na sila ng guwardiya na isuot ang kanilang shades at sombrero upang mamukhaan.
Sakaling tumanggi ang isang indibidwal, diskresyon na umano ng security agency ng mga establisimiyento ang susunod na aksyon na gagawin.
Sinabi ni Valmoria na rekomendasyon pa lamang nila ito at humingi ng pang-unawa sa mga maaapektuhang publiko dahil para naman sa kanilang seguridad ang mga ito. Nabatid na matagal nang ipinatutupad ang naturang panuntunan sa mga bangko na sinusunod naman ng mga kliyente.
Matatandaan na unang ipinatupad ang pagbabawal sa sunglass at sombrero sa mga mall dahil sa sunud-sunod na pagsalakay ng mga kawatan sa kabila ng security inspection.
Ngunit sa personal na karanasan, malayang nakapasok sa loob ng isang mall ang manunulat na ito kamakalawa ng nakasuot ng sombrero at hindi sinisita ng mga security guards.
- Latest

















