Dalaga pumalag sa tangkang panghahalay, sinaksak
MANILA, Philippines - Sinaksak ng nail pusher ang isang dalaga makaraang pumalag sa isang hindi pa kilalang lalaki na nagtangkang humalay sa kanya sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Fatima Medical Center sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Princess Antonette Bautista, 23, ng Elysian, Brgy. Marulas ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente alas-11:45 ng gabi sa boarding house ng biktima sa naturang lugar.
Nabatid na papasok na sa kanyang boarding house ang biktima nang biglang sumulpot ang suspek, niyakap nito ang dalaga at tinakpan ng tuwalya ang bibig upang hindi makasigaw.
Dito na isinagawa ang tangkang panggagahasa, subalit nanlaban ang dalaga dahilan upang pagsasaksakin ito ng suspek ng nail pusher.
Matapos isagawa ng suspek ang pananaksak ay mabilis itong tumakas at ang biktima naman ay dinala sa nabanggit na pagamutan ng ilang taong nagmamalasakit dito. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang insidente. v
- Latest