MANILA, Philippines - Muli na namang sumalakay ang kilabot na acetylene gang, matapos na pasukin ang isang pawnshop sa lungsod Quezon sa pamamagitan ng paggawa ng tunnel, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 2, ang pinasok ng grupo ay ang Capital Pawnshop na matatagpuan sa Abra St., Brgy. Ramon Magsaysay sa lungsod.
Ayon kay Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Police Station 2, natangay ng grupo ang halagang P243,249.75 na cash, at mga sinanlang alahas na may kabuuang halagang P443,400.
Aniya, ang pagnanakaw ay nadiskubre ng vault custodian ng shop na si Neren Campomanes, 32, nang pumasok ito ganap na alas-8:32 ng umaga.
Sabi ni Sanchez, sa ginawa nilang occular investigation nabatid na tulad ng modus operandi ng grupo, nagawang makapasok ng mga ito sa pamamagitan ng paggawa ng hukay o tunnel ilang metro mula sa labas patungo sa pawnshop kung saan binutas nila ang sahig nito.
Nang makapasok, saka sinimulan ng mga suspek na buksan o sirain ang vault, hanggang sa tuluyang makuha ang naturang mga items, saka tumakas sa pamamagitan ng pagdaan muli sa tunnel. Narekober ng awtoridad sa lugar ang isang set ng acetylene tank, gasa, hose, sulo, tangke ng superkalan, lagare, martilyo, liyabe, screwdriver, crow bar, pointed iron, fire jack, long nose flyer, at rubber shoes.