Sinuspinde sa trabaho, kelot nagbigti
MANILA, Philippines - Dinamdam ng isang utility worker sa Quezon City Hall ang kanyang suspensiyon kung kaya’t minabuti pa nitong magbigti sa loob ng kanyang bahay sa lungsod Quezon.
Kinilala ang biktima na si Julio Cortez, 54, may-asawa, at residente sa Area 8, Veterans Village, Brgy. Pasong Tamo.
Ayon kay SPO1 Jimmy Jimena, may-hawak ng kaso, si Cortez ay nadiskubre na lamang nakabigti ng kanyang apong si Daine Santos, sa loob ng kanyang bahay. Sabi ni Jimena, base sa kanyang imbestigasyon, masyado umanong na-depress ang biktima matapos na suspendihin sa trabaho ng isang buwan, dahil sa parating late kung pumasok.
Maraming beses na umanong nasususpinde ang biktima at nakakatanggap ng notice for suspension, pero noon lamang ito namroblema dahil magpa-Pasko at Bagong Taon.
Sinasabing alas-2 ng hapon nang madiskubre ng apo ang biktima sa loob ng kanilang bahay. Agad na ipinagbigay-alam ng apo ang insidente sa kanyang lolang si Helen na siya namang humingi ng tulong sa kapitbahay para tanggalin ang biktima sa pagkakabigti.
Itinakbo pa sa East Avenue Medical Center pero idineklara rin itong patay.
- Latest