Police station pinasabugan ng granada ng hostage-taker
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang hostage-taker nang barilin ng mga pulis matapos na pasabugan ng naitagong granada ang tapat ng isang istasyon ng pulisya, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Isinugod sa Caloocan City Medical Center ang nabaril na suspect na si Von Altreg, 33, at residente ng Metrica Street, Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ng Caloocan Police, unang napagtripan si Altreg ng isang grupo ng mga lasenggong nag-iinuman nang mapadaan ito sa umpukan malapit sa kanyang bahay sa Sampaloc, Maynila. Umuwi si Altreg at nang bumalik ay may dala nang granada. Nagawa namang makatakbo ng mga lasenggo ngunit naiwan si Jovit Lacsama na ginawang hostage ng galit na si Altreg.
Nang rumesponde naman ang mga kagawad ng barangay, tumakas si Altreg kasama ang hostage na si Lacsama sakay ng isang tricycle at nagtungo sa direksyon ng Caloocan City. Naharang naman ito ng mga pulis pagsapit sa may C3 Road, Caloocan at mapalibutan dakong alas-2:30 ng madaling-araw.
Sumuko naman ang suspect at dakong alas-5:45 ng madaling-araw ay dinala ito sa malapit na Police Community Precinct 7 upang imbestigahan. Nang nasa loob na ng presinto, inilabas ni Altreg ang naitagong granada sa loob ng kanyang damit at akmang ihahagis kaya mistulang mga daga na nagtakbuhan palabas ang mga pulis.
Lumabas rin naman si Altreg kaya pinaputukan na umano ng mga pulis ito sa hita sanhi upang maihagis ang granada sa pinto ng presinto na sumabog.
- Latest






















