2 art collector nadenggoy ng milyong halaga ng paintings
MANILA, Philippines - Tugis ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang ginang na nagpapakilalang art agent na responsable sa pagtangay ng mga mamahaling paintings at sculpture na gawa ng mga local masters kabilang ang gawa ng national artist na si Fernando Amorsolo.
Ayon kay SPO1 Joselito Gagaza ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, ang suspect ay kinilalang si Rita G. Orr ng Tandang Sora, Quezon City.
Si Orr ay pinaghahanap ng QCPD base sa kasong estafa na isinampa sa city prosecutor’s office ng mga nabiktima nitong art collector na sina Ramon Enriquez at Marlyn AlcantaraÂ, kapwa mga residente sa lungsod.
Base sa reklamo ni Enriquez, natangay sa kanya ng suspect ang Juvenal Sanso Painting na nagkakahalaga ng P950,000.
Idinagdag pa nito na limang taon na niyang kilala si Orr at hindi niya inaasahang gagawin sa kanya ang ganitong panloloko lalo pa na ang tinangay nito ay isang mamahaling painting na ipininta ng dalubhasang si Sanso.
Ayon kay Enriquez, si Orr ay nagpakilala sa kanya bilang art agent at nakiusap ng tatlong buwan para i-remit ang bayad ng mga buyer para sa piraso ng art niya mula sa kanyang koleksyon.
Diumano, kinatagpo ni Enriquez si Orr sa isang fastfood restaurant sa kahabaan ng Tandang Sora Avenue noong June 12 at doon ibinigay niya ang Sanso painting na kanyang inalok na ibenta.
Makalipas ang ilang linggo, sinabi umano ni Orr kay Enriquez na nakuha na ng buyer ang painting at humihingi lang ng kaunting oras para i-remit ang proceeds ng benta saka nangakong magbabayad.
Kalaunan, sinasabing nagbayad si Orr ng inisyal kay Enriquez ng isang tseke sa halagang P350,000 noong July pero nadiskubre ng art collector mula sa banko na ang tseke ay sarado na dahil nai-withdraw na ang laman nito.
Nang tangkain ni Enriquez na tawagan sa kanyang cellphone si Orr ay hindi na ito makontak.
Samantala, sa reklamo naman ni Alcantara, sinabi nito na si Orr ay nagtungo sa kanyang bahay sa Cubao noong August 14 para kunin ang tatlong paintings, partikular ang gawa ni Amorsolo, Sanso at Romulo Olazo, at isang sculpture ni Toym Imao, na may kabuuang halagang P1.42 million, sa pangakong hahanapan ito ng buyers.
Matapos ang ilang buwan, nagsabi umano si Orr kay Alcantara na nabenta na ang mga paintings kung saan nagbigay pa ang una sa huli ng tatlong tseke noong September 8 na nagkaka-halaga ng P100,000 bawat isa.
Gayunman, nang ipa-tsek din ni Alcantara ang tseke sa banko ay na-withdraw na rin ito at sarado na rin ang account. Hindi na rin makontak pa si Orr matapos nito.
Sabi ni Gagaza, dapat na maging babala sa mga art collector ang modus operandi ng suspect upang hindi na rin sila maging biktima kung sakaling may lumapit sa kanila na kahalintulad nito.
- Latest