Paglabag sa SOP, sisilipin sa ‘Alabang misencounter’
MANILA, Philippines - Iimbestigahan ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang posibleng pagÂlabag sa police operational procedures at gun ban ng dalawa nitong tauhan na nasangkot sa misencounter na ikinasawi ng isa sa mga ito at isang carnapper habang lima pa ang nasugatan sa Alabang, Muntinlupa City noong Lunes ng gabi.
Ayon kay PNP-HPG SpokesÂperson Supt. Elizabeth Velasquez, off duty na ang dalawa nilang tauhan na kinilalang sina SPO1 Macario Romano na napatay sa insidente at ang nasugatang si SPO1 Aniceto Santiago ng mangyari ang barilan sa Fabian compound, Brgy. Alabang ng lungsod.
Sina Romano at Santiago, ayon sa opisyal ay nakaÂtalaga sa Motor Vehicle Clearance Division ng PNP-HPG sa Camp Crame na ang trabaho ay beripikahin lamang kung nakaw ang isang sasakyan at hindi bahagi ng kanilang mga operatibang sumasagupa sa carnapping gang.
Sa nasabing insidente ay napaslang rin ang pinaghihinalaang karnaper na si Michael Maranan, alyas Jordan, 33 ng Fabian compound na binawian ng buhay sa Alabang Medical Clinic.
Samantalang bukod kay Santiago, nagtamo ng tama ng bala sa spinal column, kabilang pa sa mga sugatan ay sina PO3 Mersan Rapirap ng Muntinlupa Police Station, tatlong bystanders na sina Aileen Duran, 30, Anna Loraine Maranan, 28, at ang 10 -anyos na Grade V pupil na si Heart Macapagal; pawang residente ng Fabian Compound, Alabang, Muntinlupa City.
Nabatid na bandang alas-9:30 ng gabi noong Lunes ng magsagawa ng anti-carnapping operation ang dalawang nakasibilyang tauhan ng HPG laban sa karnaper na si Maranan sa nasabing lugar kung saan ay eksakto namang napadaan sa lugar si Rapirap na inakalang mga kriminal ang dalawang nakasibilyang kabarong pulis kaya nakisali rin ito sa barilan.
Sinasabing walang pakundangan umanong pinagbabaril ng dalawang tauhan ng PNP-HPG si Maranan.
Nabatid pa na isinailalim na rin sa ballistic examination ng PNP-Crime Laboratory ang baril ng tatlong pulis upang mabatid kung sino sa mga ito ang nakatama sa mga sibilyang nadamay sa insidente.
Samantalang tinitingnan rin ang paglabag ng dalawang parak sa umiiral na gun ban ng Comelec kaugnay ng gaganaping Brgy. elections sa darating na Oktubre 28 ng taong ito dahilan pawang nakasibilyan ang mga ito.
Sa ilalim ng gun ban policy, tanging ang mga unipormadong mga pulis lamang ang pinapayagang magbitbit ng baril, sakay ng markadong behikulo at dapat ay naka-duty.
Bagaman wala naman umanong rekord sina Santiago at Romano, subalit sakaling mapatunayang may nalabag na police operational procedures ang mga ito ay hindi sila magdadalawang isip na kasuhan ang mga ito sa hindi awtorisadong operasyon.
Kaugnay nito, nangako rin ang PNP-HPG na bibigÂyan ng tulong pinansyal ang mga sibilyang bystanders na tinamaan sa misencounter.
- Latest


















