Trader biktima ng Akyat-bahay
MANILA, Philippines - Nagawang makapasok ng hindi pa nakikilalang miyembro ng Akyat Bahay Gang sa bahay ng isang negosyanteng Tsinoy sa isang eksklusibong subdibisyon sa Taguig City kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng pulisya, pinasok ng mga magnanakaw ang bahay ni Joseph Kyi, sa loob ng Pacific Residences sa Brgy. Tuktukan sa naturang lungsod. Natangay ng magnanakaw ang kanyang mamahaling laptop computer, desktop computer, cellular phone at hindi pa mabatid na halaga ng pera.
Hinihinalang naganap ang pagnanakaw sa pagitan ng alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 kahapon ng umaga.
Narekober ng pulisya ang baluktot na tinidor na hinihinalang ginamit sa pagbukas ng lock ng pintuan ng bahay matapos wasakin ang screen sa harapan.
Nagtataka naman ang pulisya kung papaanong nakapasok sa loob ng subdivision ang mga suspect gayung mahigpit ang mga security guard at hindi basta nakakapasok ang hindi naninirahan dito.
Napag-alaman na ilang ulit ng nangyari ang nakawan sa loob ng subdivision kaya hinala ng pulisya na residente rin ng naturang lugar o bisita ang may kagagawan ng mga nagaganap na nakawan.
- Latest