Saklaan sa lamayan, hinoldap 2 parak, 2 pa arestado
MANILA, Philippines - Arestado ang apat na lalaki kabilang ang dalawang aktibong pulis makaraang ireklamo ng panghoholdap sa isang saklaan sa isang lamayan sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang mga naÂdakip na sina PO1 Froilan Deocaris, 31, nakatalaga sa Sub-Station 2 ng Caloocan City Police; PO1 Louie Aaron Siscar, 30, nakatalaga sa Regional Police Holding Administrative Unit (RPHAU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO); mga sibilyan na sina John Eric Dimal, 24; at Elvin Garcia, 35.
Base sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Edsel dela Paz, may hawak ng kaso, dakong alas- 9:10 ng gabi noong Linggo nang maaresto ang mga suspek lulan ng isang kotse sa kahabaan ng Hernandez St., Brgy. Catmon ng nasabing lungsod.
Nabatid na unang sinalakay ng mga suspek ang isang saklaan sa lamayan sa naturang lugar. Sa halip na hulihin ang operator at mga tumataya, tinangay lamang umano ng mga suspek ang perang puhunan at maging mga taya ng mga naglalamay.
Agad namang humingi ng saklolo ang operator ng sakla sa Police Community Precinct 9 na nakakasakop sa lugar na agad na nagtatag ng isang checkpoint.
Naaresto ang apat na suspek habang lulan ng isang kulay gray na Toyota Corolla (TCX-237). Hindi naman nanlaban ang mga suspek ngunit itinanggi ng mga ito ang akusasyon ng panghoholdap ng mga sakla operator.
- Latest