Holdaper na hostage taker, timbog
MANILA, Philippines - Nadakip ng pulisya ang isang 31-anyos na lalaki na nagtangkang mangholdap sa isang opisina at mang-hostage ng isang empleyado nito, kahapon ng umaga sa Makati City.
Kinilala ni Makati City Police, Sr. Supt. Manuel Lukban ang nadakip na si Ariel Ruelo, ng San Joaquin, Mandaluyong City. Ligtas naman ang naging hostage na si Jomar Villanueva.
Ayon sa ulat, dakong alas-7:40 ng umaga nang pumasok ang suspect sa loob ng isang bahay sa Durango St., Brgy. Palanan, Makati na nagsisilbing opisina ng Sta. Ana Builders Inc., isang electrical contracting company. Pagnanakawan sana ng suspect ang loob ng opisina nang madiskubre ito ng caretaker na si Villanueva.
Agad na hinablot ng suspect na armado ng patalim si VillaÂnueva at kinaladkad sa ikalawang palapag ng bahay. Dito na nagsidatingan ang mga opisyal ng barangay, Makati Police, SWAT at maging si Col. Lukban.
Nagsagawa ng negosasyon naman si Lukban kay Ruelo upang mapalaya ang hostage at maayos na sumuko. Dito nakakuha ng tiyempo si Villanueva na makahulagpos at makatakbo sa katabing kuwarto saka ito naikandado.
Nang tumanggi pa ring sumuko, agad na ipinag-utos ni Lukban sa mga miyembro ng SWAT na pasukin ang opisina. Natagpuan nila ang suspect na nagtatago sa isa sa mga cabinet ng opisina. Nang kapkapan ito, nakuha sa kanyang posesyon ang P2,000 pera na nakuha sa opisina, isang pakete ng marijuana at isang pakete ng shabu.
Nahaharap ngayon ang suspek sa patung-patong na mga kasong robbery, threat, alarm and scandal, at illegal possession of drugs.
- Latest